Lungsod ng Malolos, Bulacan — Ikinagalit ni Governor Daniel R. Fernando ang napaulat na ilegal na paglabas-masok ng dalawang Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Bulacan Provincial Jail (BPJ) sa Malolos City, dahilan upang agad nitong ipag-utos ang preventive suspension ng mga sangkot na jail personnel.
Ayon sa gobernador, hinihintay na lamang niya ang tugon mula sa Commission on Elections (Comelec) bago tuluyang isuspinde ang mga opisyal at guwardyang pinaniniwalaang sangkot sa insidente. Paliwanag ni Fernando, limitado ang kaniyang kapangyarihan sa kasagsagan ng election period, kaya’t kailangang dumaan sa masusing legal na proseso ang kanyang mga hakbang.
Ang insidente ay nabunyag matapos mahuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Bulacan Field Unit noong Abril 13 sa Barangay Dakila, Malolos City ang mga PDLs na sina Abdua Arajalon at Mario San Jose habang sakay ng isang pulang Toyota Hilux kasama ang isang jail guard at ang asawa ni Arajalon.
Si Arajalon, na nahaharap sa kasong murder at sinasabing “Mayor” sa loob ng piitan, ay dating miyembro ng SWAT at miyembro rin ng Sputnik Gang. Kasama niya si San Jose na may kasong homicide at kilala naman sa loob ng piitan bilang “Chairman ng Barangay 11.” Ang dalawa ay sinasabing malayang nakakabalik sa kanilang mga tahanan nang walang kaukulang permiso mula sa korte.
Bukod sa mga PDL, inaresto rin ang jail guard na si Tee Jay Jimenez dahil sa umano’y iligal na pag-escort sa mga bilanggo. Kasama rin sa mga naaresto si Sarah Wahid, ang ikalawang asawa ni Arajalon, dahil sa pakikipagsabwatan sa pagtakas ng kaniyang asawa. Narekober sa sasakyan ang isang Caliber .45 na baril at isang 9mm Glock pistol na may kasamang mga bala at magazine.
Sa inisyal na imbestigasyon ng CIDG, matagal nang minamanmanan ang galaw ng mga PDLs dahil sa ulat ng ilang concerned citizens na may mga high-profile detainees na malayang nakakalabas ng piitan, kadalasan ay may kasamang jail guards.
Sa panig ni Governor Fernando, hindi niya tinanggap ang paliwanag na ang pag-escort ni Arajalon sa kanyang asawa pauwi ay bahagi ng karaniwang operasyon. “Hindi ito katanggap-tanggap. Walang preso ang kailangang maghatid sa bisita nito. Hindi kapani-paniwala ang kanilang mga alibi,” mariing pahayag ng gobernador.
Inatasan na ni Fernando ang Provincial Legal Office at Provincial Administrator na ihanda ang kaukulang aksyon, kabilang ang pagsusumite ng preventive suspension laban kay Ret. Col. Rizalino Andaya, ang kasalakuyang provincial warden, at sa iba pang jail personnel na sangkot sa anomalya.
Binigyang-diin ni Fernando na hindi siya magdadalawang-isip na pangalanan sa publiko ang lahat ng mapapatunayang sangkot sa paglabag. “Hindi sila karapat-dapat sa kanilang mga posisyon,” aniya.
Patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon ng mga awtoridad at hinihimok ng mga residente ng Bulacan ang pagsusuri sa CCTV footage sa loob at paligid ng BPJ upang matukoy kung sino pa ang mga kasabwat sa nasabing ilegal na aktibidad. (Latigo Reportorial Team)
